First Quarter Issue

 

 

 

 

Lamang-ugat at butong gulay para sa mahabang buhay

Lamang ugat at butong gulayMAHIRAP MAGKASAKIT.  Pero may mga paraan naman upang maiwasan ang magkasakit.  Maaari itong mag umpisa sa pagbabasa para sa karagdagan o tamang kaalaman. 

Marami sa mga pagkain ang may dietary fiber. Bukod sa madaling matagpuan sa ating paligid, ang mga pagkaing ito ay mabibili s a mababang halaga katulad ng mga lamang-ugat gaya ng ube, gabi, tugi, patatas, kamote at kamoteng kahoy.  Kasama rin sa mga pagkaing ito ang mga butong gulay tulad ng munggo, mani, buto ng sitaw, patani, gisantes, soya beans at marami pang iba.

Ang mga lamang-ugat at butong gulay ay mainam na pagkunan ng dietary fiber. Ito ay nakatutulong upang maiwasan ang diabetes mellitus, sakit sa puso at kanser. 

Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Food and Nutrition Research Institute ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (FNRI-DOST), ang mga butong gulay at lamang-ugat ay nakatutulong upang mapanatili ang timbang at maiwasan ang diabetes mellitus.

Ang viscosity at fibrous structure ng mga lamang-ugat at butong gulay ay nagpapabagal ng pagtunaw at release ng glucose sa ating dugo. Ang prosesong ito ang nagpapanatili ng ating blood glucose sa normal na kalagayan. Dahil din sa mabagal na release ng glucose, ito ay hindi naiimbak sa ating katawan, kung kaya napananatili nito ang normal na timbang ng isang tao.

Dahil rin sa dami ng dietary fiber ng lamang-ugat at butong gulay, ito ay madaling makapagpabusog, dahilan upang mas kaunti na lamang ang kainin.

Ang FNRI-DOST ay nagsagawa rin ng pag-aaral tungkol sa glucose response o glycemic index (GI) ng mga lamang-ugat at butong gulay para sa normal at diabetikong mga tao. Ayon sa resulta ng pag-aaral, ang lamang–ugat at butong gulay ay may mababang GI. Ang mga pagkaing may mababang GI ay mahalaga sa tamang pagcontrol at management ng diabetes mellitus at napapanatili nito ang normal na timbang ng tao.

Sa paanong paraan maiiwasan ang sakit sa puso sa pamamagitan ng lamang-ugat at butong gulay? Dahil sa taglay nitong dietary fiber, nakakatulong ito upang maiwasan ang re-absorption ng bile acids sa atay. Ang bile acids ay nagiging cholesterol sa atay at napupunta sa dugo kung kaya dumadami ang serum cholesterol na maaaring maging plaques na bumabara sa mga ugat sa katawan.

Ano naman ang posibleng papel na ginagampanan ng mga lamang-ugat at butong gulay upang maiwasan ang kanser? Ang taglay na dietary fiber ng mga lamang-ugat at butong gulay ay nagiging short chain fatty acid (SCFA) sa malaking bituka o colon.  Ang SCFA ay humahalo sa mga toxins na nasa colon at ito ay sumasama sa dumi.  Kapag hindi naalis sa  katawan ang toxins ay namumuo bilang tumor at nagiging kanser. 

Kaya dapat kumain ng mga lamang-ugat at butong gulay araw-araw upang humaba ang  buhay.  Para sa malusog at masayang pamumuhay, mas mainam na sundin ang mang-limang mensahe ng Nutritional Guidelines for Filipinos, na nagsasabing “Kumain ng maraming gulay, prutas at lamang –ugat.”   STP

About Us | Privacy Policy | Contact Us |